Isang paglabag sa mga alituntunin o rules ng Kamara de Representantes ang planong pagbawi o recall sa panukalang ₱7.2-trilyong National Budget para sa 2027 na matagumpay nang naipasa sa huling pagbasa.
Ito ang mariing pahayag ni House Committee on Appropriations Vice Chair Zia Alonto Adiong sa gitna ng mga talakayan ukol sa estado ng pambansang pondo.
Ayon kay Rep. Adiong, hindi na maaaring bawiin ang budget kapag natapos na ang debate sa plenaryo at naisumite na ito sa Senado dahil pumasok na ito sa hurisdiksyon ng Mataas na Kapulungan.
Babala ng mambabatas, mas malaking suliranin ang maaaring idulot ng pag-recall dahil posibleng magkaroon ng dobleng pondo para sa mga proyektong tapos na o kasalukuyang ipinatutupad.
Binigyang-diin ni Adiong na kapag nailipat na ang panukalang batas sa Senado, nawawalan na ng kapangyarihan ang Kamara na bawiin ito nang basta-basta dahil hawak na ito ng Senado para sa kaniyang sariling deliberasyon.
“Hindi na po natin ito maaaring i-recall once the Senate has already taken jurisdiction,” ayon kay House Appropriations Vice Chair Zia Alonto Adiong habang ipinapaliwanag ang proseso ng pagpasa ng pambansang pondo.