Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District Station 10 ang veteran journalist na si Philip Lustre Jr. matapos arestuhin sa isang media forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Inaresto si Lustre sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 10 sa Davao City kaugnay ng kasong cyber libel.
Ayon kay Atty. Dino De Leon, abogado ni Lustre, hindi umano alam ng kaniyang kliyente ang naturang kaso.
Wala rin umanong impormasyon ang Pulisya kung sino ang nagreklamo laban sa mamamahayag.
Sinabi ni De Leon na maglalagak sila ng ₱48,000 piyansa at hihilingin ang muling pagbubukas ng Preliminary Investigation.
Dinala si Lustre sa himpilan ng Pulisya at sumailalim sa booking procedure.