Kampante ang Prosecution Panel na makakakuha ito ng sapat na boto para sa conviction sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng pagsusumite ng prosecution ng Formal Offer of Evidence bago ang deadline kahapon, October 23.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni dating Surigao del Norte Representative at House Prosecution Team Spokesperson Robert Ace Barbers, may 10 araw ang Defense Panel para isumite ang kanilang komento sa mga ebidensiyang inihain ng Prosecution.
Kabilang sa mga ebidensiya ang SALN, tax filings, at shareholdings ng Bise Presidente, gayundin ang analysis ng anila’y financial forensic expert na si Atty. Alex Cabrera.
Ayon kay Barbers, may mga yamang hindi umano naideklara sa SALN ng Bise Presidente, batay sa mga dokumentong galing sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC).
Inaasahang magpapatuloy ang impeachment trial sa November 9, kung kailan maaaring maglabas ng pasya ang presiding officer sa mga ebidensiyang tinutulan ng Depensa.