Nananatili sa evaluation stage ang panukalang Civil Aviation and Immigration Security Services o CAISS, at wala pang pinal na desisyon ang pamahalaan tungkol dito.
Ito ang sinabi ni Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado sa Senate budget deliberations nitong Huwebes, matapos siyang tanungin ni Senate Committee on Finance Chair JV Ejercito tungkol sa status ng CAISS.
Ayon kay Viado, sinusuportahan ng Bureau of Immigration ang modernisasyon ng border security ng bansa, pero hindi ito nangangahulugang awtomatikong aprubado ang partikular na CAISS proposal o ang mga termino nito.
Inatasan din ni Viado ang mga proponent na magsagawa ng public consultations upang marinig ang concerns at inputs ng mga stakeholder. Ang resulta ng konsultasyon ay isasama sa patuloy na pagsusuri sa panukala.
Sinabi rin ng commissioner na kailangang mapatunayan ng mga proponent ang kanilang iminungkahing fees, technology, financial structure at iba pang commercial terms. Samantala, susuriin ng gobyerno kung kinakailangan, makatwiran at tunay na para sa public interest ang mga ito.
Kung hindi sapat na mapoprotektahan ng proposal ang interes ng gobyerno at publiko, maaari itong baguhin, ipagpaliban o tuluyang hindi ituloy.
Binigyang-diin ni Viado na kailangan ang modernisasyon ng border security, ngunit dapat tiyaking ligtas, makatarungan at may malinaw na pakinabang sa mga biyahero at sa pamahalaan ang anumang kasunduang tuluyang maaaprubahan.