Photo courtesy | Kementerian Dalam Negeri (Malaysian Home Ministry)
Aabot sa 1,500 Myanmar refugees ang sinimulan nang i-deport ng Malaysia bilang unang bahagi ng repatriation program nito.
Base sa ulat ng state news agency na Bernama, binubuo ang mga na-deport ng humigit 1,300 kalalakihan, halos 80 kababaihan, at 27 mga bata.
Ayon sa Malaysia, boluntaryo ang pagbabalik sa mga refugee at layong bawasan ng programa ang asylum-seekers, maging ang anila’y financial burden at isyu ng seguridad sa kanilang bansa.
Dagdag pa nito, didipende sa pagkakakilanlan, dokyumentasyon, at beripikasyon ng mga refugee ang mga susunod na repatriation.
Samantala, nagpahayag ng pagtutol ang United Nations Refugee Agency at ilang human rights groups sa hakbang ng Kuala Lumpur lalo’t nagpapatuloy pa ang kaguluhan sa Myanmar.
Dinistansyahan din ng UNHCR ang nasabing programa at sinabing hindi ito kabilang sa sumuri sa mga idi-deport.
Maaalalang pumutok ang sigalot sa Myanmar matapos magdeklara ng kudeta ang militar doon noong 2021.
Dahil sa kaguluhan, aabot sa 100,000 indibidwal ang nasawi at humigit 3.5 milyon ang nawalan ng tirahan.