Hinamon ni Senador JV Ejercito ang Department of Tourism (DOT) na palakasin ang tourism promotion at tugunan ang iba pang hadlang sa pagdami ng foreign tourists sa bansa.
Sa Senate hearing sa proposed 2027 DOT budget, sinabi ni Ejercito na malaking hamon ang pagiging archipelagic country ng Pilipinas dahil karamihan sa international visitors ay dumarating sa pamamagitan ng eroplano.
Dahil dito, iminungkahi ng senador na pagandahin at gawing mas visitor-friendly ang mga paliparan, kabilang ang pagpapalawak ng access ng foreign travelers sa e-gates.
Hinimok din ni Ejercito ang DOT na tingnan hindi lang ang tourism promotion kundi pati ang presyo ng hotels, pagkain, at iba pang tourism services.
Ayon sa senador, mas mataas ang presyo ng hotels at restaurants sa Pilipinas kumpara sa Vietnam at Thailand, na maaaring makaapekto sa tourism competitiveness ng bansa.
Sinabi naman ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na kabilang sa tinututukan ng ahensya ang gastronomy tourism at pakikipagtulungan sa iba pang ahensya para matugunan ang logistical concerns na nagpapataas sa presyo ng pagkain.
Kabilang dito ang pagpapahusay ng cold-chain facilities at mga kalsada para mas maayos ang transportasyon ng agricultural products.