Photo courtesy of OS Hontiveros
Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na kailangang tugunan ang problema sa logistics industry dahil nakadaragdag ito sa gastos ng mga negosyo at presyo ng mga bilihin.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Hontiveros na umaabot na sa isa hanggang tatlong linggo ang paghihintay ng ilang trucker bago maibalik ang mga bakanteng container sa container yards ng shipping lines.
Tinawag na aniya itong “severe truck deadlock” dahil sa limitadong kapasidad ng mga lagakan ng empty containers.
Ayon sa senador, umaabot naman sa ₱50,000 kada container ang dagdag na gastos na iniulat ng ilang meat importers dahil sa delays, na katumbas ng tinatayang ₱2 hanggang ₱5 dagdag sa bawat kilo ng karne.
Sinabi ni Hontiveros na kapag tumaas ang gastos sa pagbiyahe, pag-iimbak, at paghahatid ng mga produkto, naaapektuhan hindi lang ang presyo ng pagkain kundi pati ang negosyo, trabaho, at kita ng mga manggagawa.
Binanggit din niya ang nakatakdang boluntaryong tigil-pasada ng ilang truckers sa October 5 kasunod ng panawagan ng mga grupo sa transport sector na tugunan ang kanilang mga problema.
Kaya naman hinimok ni Hontiveros ang mga ahensya ng gobyerno, shipping lines, truckers, brokers, at importers na magkaroon ng malinaw na plano at koordinasyon para mabawasan ang logistics costs at mapabilis ang paggalaw ng mga produkto.
Giit ng senador, hindi lang ito problema ng logistics kundi isang mas malawak na usaping pang-ekonomiya na kailangang tugunan para makatulong sa pagkontrol sa inflation at pagpapasigla ng ekonomiya.