Mariing kinondena ni Bureau of Fire Protection (BFP) OIC FCSupt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu ang pag-atake sa isang bumbero habang rumeresponde sa sunog sa Barangay Bangate, Barcelona, Sorsogon noong linggo, September 27.
Ayon sa BFP, nagtamo ng ilang sugat si FO2 Kris Ann Conda matapos siyang tagain ng may-ari ng bahay habang naghahanda ng overhaul operations. Agad siyang binigyan ng first aid at dinala sa pinakamalapit na ospital para sa karagdagang lunas.
Ayon kay FCSUPT Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, nakipagtulungan na sila sa Philippine National Police (PNP) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Giit nito, hindi kukunsintihin ang anumang karahasan laban sa mga bumberong tumutugon sa emergency.
Hinikayat din nito ang publiko na igalang at makipagtulungan sa mga ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

