Binuwag ng Police Regional Office 3 (PRO 3) ang bagong papasibol na robbery group na nag-o-operate sa Bataan, Olongapo at Zambales.
Ito ay matapos salakayin ng mga pulis ang hideout ng mga suspek sa Castillejos, Zambales, kasunod umano ng panghoholdap nila sa isang gasolinahan.
Sa ambush interview sa San Fernando City, Pampanga, sinabi ni PRO 3 Regional Director PBGEN Jess Mendez na pitong iba’t ibang kalibre ng baril, mga bala at isang granada ang nakumpiska, habang apat na suspek ang naaresto.
“In the past few days, meron tayong ipinatupad, part noong COPLAN natin, na nag-serve tayo ng search warrant sa isang target. Ang target natin ay emerging robbery group na nag-o-operate sa Bataan, Olongapo and Zambales. They were involved in three different armed robbery incidents, one in Bataan and two in Zambales. During the implementation of the search warrant, may nahuli tayong dalawang tao. Nakakuha tayo ng tatlong firearms at isang granada. Doon sa follow-up operation natin, may nakuha tayong apat na baril at nakaaresto pa tayo ng dalawang tao. All in all, seven firearms ang nakuha at one hand grenade, apat na tao ang naaresto natin,” ani Mendez.
Ayon kay Mendez, nagsimula ang grupo sa mga maliliit na krimen gaya ng snatching at holdup sa kalsada hanggang sa lumaki ito, pero sa tulong ng intelligence-driven operation ay isa-isa nang nahuli ng pulisya ang mga miyembro nito.
Nagbabala naman ang PRO 3 sa mga nagpaplanong bumuo ng crime group dahil hindi sila tatantanan ng pulisya.