Naniniwala ang House Prosecution team na bagama’t magkakaiba ang kanilang pinaglalaban ng depensa sa impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte, hindi dapat maging personalan ang mga paglilitis.
Ayon kay Trial Spokesperson Zia Alonto Adiong, bagama’t lumalabas silang nasa magkasalungat na posisyon, nagkakaabutan pa rin sila sa mga defense lawyers.
Ginawa niya ang pahayag matapos matanong kung nakakaranas din ba sila ng mga hindi pagkakasundo kasunod ng hidwaan sa pagitan ng mga tagapagsalita ng depensa na sina Michael Wesley Poa at Paolo Panelo.
Binigyang-diin ni Alonto Adiong na ang mga hindi pagkakaunawaan sa loob ng isang koponan o sa pagitan ng mga kalaban ay hindi dapat magsilbing sagabal o panggulo sa tunay na layunin ng impeachment trial.
Samantala, nagpahayag din ng katulad na pananaw si House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon.
Pinuri pa ni Ridon si Atty. Poa na isa sa pinakamagaling at pinakamabait sa kabilang kampo.
Aniya, nararapat lamang siyang maging bahagi ng tagapagtanggol ng Pangalawang Pangulo.