Kinumpirma ni Masbate Chief Meteorological Officer Rizza Bartolata na simula ngayong buwan ng Oktubre ay mararanasan na ng apat na lalawigan sa Bicol Region, kabilang ang Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon, at Catanduanes ang drought condition.
Ayon sa state weather bureau posibleng tumagal hanggang sa second half ng taong 2027 ang epekto ng naturang phenomena.
Pagpasok naman ng buwan ng Nobyembre, ang mga lalawigan ng Sorsogon at Masbate ay makararanas na ng dry spell.
Inaasahan namang lalala ang sitwasyon mula Disyembre hanggang Marso dahil ang buong Bicol Region na ang posibleng ilagay sa ilalim ng buong drought condition.
Dahil dito, nagbabala si Bartolata sa malaking pinsalang idudulot ng apat na buwang tagtuyot lalo na sa sektor ng agrikultura at sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Hinimok ng opisyal ang pamahalaan, mga lokal na komunidad, at bawat sambahayan na magtulong-tulong sa paghahanda upang mabawasan ang matinding epekto ng krisis sa supply ng tubig at pagkain.