Iginiit ng Department of Science and Technology (DOST) ang kahalagahan ng paghahanda at agarang aksiyon at pagtugon sa banta ng kalamidad at sakuna kasunod ng isasagawang Handa Pilipinas Program Visayas leg.
Sa panayam ng PTV kay DOST Region 8 Director, Dr. John Glenn Ocaña, sinabi niyang mahalaga na magamit ng sambayanang Pilipino ang iba’t ibang teknolohiya at science innovations and tools upang makaiwas at makapaghanda kontra sa mga sakuna.
Mahalaga kasi na magamit ang mga teknolohiya, science-based tools, early warning device, at iba pang disaster preparedness platforms sa pagdedesisyon ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at maging mga negosyo at iba pang parte ng pribadong sektor.
Itatampok din sa gaganaping Handa Pilipinas Program sa darating na October 7 hanggang 9 sa Leyte Convention Center sa Palo, Leyte ang iba’t ibang aktibidad tulad ng science to action sessions, crisis ready businesses, at iba pa.
Sa ilalim ng tema nito na “Agham at Teknolohiya Para sa Ligtas at Matatag na Bayan itatampok ang iba’t ibang practices sa larangan ng disaster risk reduction and management tulad ng Geologic hazards, risk assessment, weather and climate information for early warning, integration ng multi-hazard risk information sa local DRRM planning, at marami pang iba.
Tampok din dito ang iba’t ibang apps at platforms ng DOST pagdating sa DRRM measures at mga paghahanda kontra anomang sakuna.