Screenshot
Pinaigting pa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mitigation measures nito laban sa El Niño, kasunod ng babala na maaari itong tumindi bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang 2027.
Ayon sa DENR, kabilang sa mga hakbang na ikinakasa nito ngayon ang pagtatayo ng karagdagang water sources, rainwater harvesting systems at small water impounding structures, gayundin ang water conservation, watershed monitoring, forest-fire prevention at pangangalaga sa mga vulnerable ecosystem.
Sa Central Luzon, nagsasagawa ng information campaigns ang DENR sa mga barangay at community colleges, at binabantayan din ang posibleng coral bleaching dahil sa mataas na sea surface temperatures sa mga coastal area, kabilang ang Aurora.
Sa Caraga, pinayuhan naman ng Mines and Geosciences Bureau ang mga mining company at processing plant na bawasan at maayos na pamahalaan ang water demand, ayusin ang leaks, mag-ipon ng tubig-ulan, at maglagay ng cooling stations at early warning systems para sa matinding init.
Samantala, hinigpitan ng Environmental Management Bureau Region 11 ang health and safety measures para sa field personnel, kabilang ang paglilimita sa outdoor work na may mataas na exposure sa init.
Punto ni DENR Sec. Juan Miguel “Mitch” Cuna, kailangang maagap ang bawat unit ng ahensya sa pagpapatupad ng climate adaptation at risk reduction protocols, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DENR sa LGUs at iba pang stakeholders para mapangalagaan ang suplay ng tubig, kagubatan at watershed, gayundin ang mga komunidad at kabuhayang maaaring maapektuhan ng El Niño.