Naglunsad na ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para matukoy ang pinagmulan ng ‘disinformation’ o ‘fake news’ patungkol sa umano’y “mass shooting” sa De La Salle University-Dasmariñas sa Cavite
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mariin nilang kinokondena ang pagpapakalat ng maling impormasyon na umano’y kumalat sa social media at mga group chat na nagsasabing may nangyaring pamamaril kahapon, October 1.
Nabatid sa isinagawang imbestigasyon ng Dasmariñas Component City Police Station, walang nangyaring mass shooting sa lugar batay na rin sa isinagawang imbestigasyon matapos tumugon sa natanggap nilang ulat.
Bagaman may nakitang labi sa loob ng isang sasakyan noong September 30 sa loob ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Barangay Burol Main, pero ito ay sa isang hiwalay na kaso at walang kaugnayan sa sinasabing mass shooting.
Dahil dito, nagbabala ang pulisya sa mga nagpo-post na pinagsasama ang dalawang insidente o naglalarawan sa namatay na tao bilang biktima ng sinasabing pamamaril.
Kaugnay nito, inatasan ni Nartatez ang Dasmariñas Police na paigtingin ang cyberpatrols at panatilihin ang presensya ng pulisya habang tinutukoy ang mga responsable sa pagpapakalat ng maling ulat.