Kabuuang ₱11.49 bilyon ang inaprubahang dagdag sa 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Budget Amendments Review Subcommittee o BARSc.
Pinakamalaki rito ang ₱6.917 bilyon na dagdag para sa National Roads Program, kasunod ang ₱4.088 bilyon para sa Convergence and Special Support Program.
Nadagdagan din ng ₱175.874 milyon ang National Bridge Program at ₱307.5 milyon ang National Building Program.
Iginiit sa BARSc, na lahat ng mga proyektong kabilang sa dagdag na pondo ay kailangang suportado ng kumpletong dokumento, kabilang ang BP 202, geotagging, Certificate of Implementability at Feasibility, aktuwal na Program of Works, at pag-apruba ng RDC o MDC, depende sa uri ng proyekto.
May iminungkahi ring special provision na magbibigay sa DPWH ng limitadong kakayahang itama ang maling detalye sa project entries, gaya ng maling station number, coordinates o typographical errors, ngunit hindi maaaring baguhin ang nakalaang halaga ng pondo.
Ipinaliwanag sa deliberasyon na kailangan ito dahil may mga proyektong hindi naipatupad dahil lamang sa maling detalye sa budget entries, at nagreresulta ito sa pagkaantala at pag-aaksaya ng pondong maaari sanang mapakinabangan.
Ang DPWH ay may panukalang pondo na ₱643.95 bilyon sa 2027.