Nanatiling ligtas at maayos ang operasyon sa Port of Calapan matapos ang magnitude 5.0 na lindol na naitala noong Setyembre 30.
Ayon sa Philippine Ports Authority o PPA, walang naiulat na pinsala sa pasilidad o nasugatan sa pantalan kasunod ng pagyanig na umabot sa Intensity III batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.
Kasabay nito, sinubok ng PPA ang kahandaan ng mga tauhan at pasilidad sa 3rd National Simultaneous Earthquake Drill na isinagawa sa head office at mga Port Management Office sa bansa.
Kabilang sa pagsasanay ang evacuation, first aid, rescue simulation, pagsusuri sa mga pasilidad at paggamit ng patient transport vehicles.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, nag-deploy na rin ang ahensya ng Emergency Response Vehicles ngayong Setyembre, bukod sa mga firetruck at patient transport vehicle na nakahanda sa mga pantalan.
Patuloy ding nagsasagawa ang PPA ng earthquake drills, structural assessment at koordinasyon sa iba pang ahensya upang mapanatiling ligtas at tuloy-tuloy ang operasyon ng mga pantalan sa panahon ng sakuna.