Posibleng hindi na kayanin ng Commission on Elections o COMELEC na idaos sa November 2, 2026 ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE kapag naglabas ng temporary restraining order o TRO ang Supreme Court kaugnay ng pagpapaliban sa halalan.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, maaapektuhan ng anumang TRO ang iskedyul ng paghahain ng Certificate of Candidacy o COC at iba pang paghahanda para sa eleksyon.
Sinabi ni Garcia na kailangan ng sapat na panahon para sa filing ng COC at pagpapakalat ng impormasyon, na maaaring umabot ng dalawang linggo.
Kailangan ding ikonsidera ang distribusyon ng election paraphernalia, lalo na sa Visayas at Mindanao, kaya posible pang baguhin ang election timelines at iba pang itinakdang panahon ng paghahanda.
Aminado si Garcia na kapos na sa oras ang COMELEC kung itutuloy ang BSKE sa November 2.
Kung walang TRO na ilalabas ang Supreme Court, tuloy ang mga nakatakdang aktibidad ng COMELEC, kabilang ang paghahanda para sa special elections sa Batanes sa November 28 at iba pang plebisito.
Nauna nang inatasan ng Supreme Court ang COMELEC, Kamara, Senado at Office of the President na magsumite ng komento sa petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng batas na nagpapaliban sa BSKE 2026.