Ipinag-utos ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga yunit ng pulisya na palakasin ang intelligence gathering gayundin ay mahigpit na subaybayan ang mga aktibidad na may kinalaman sa illegal recruitment.
Ito ayon sa PNP ay kasunod ng mga ulat tungkol sa isang malawakang modus na umano’y tumarget sa mga residente ng Ilocos Norte sa pamamagitan ng mga pangakong trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., pinaigting na nila ang surveillance at paghahanda ng mga kaso laban sa mga sindikatong gumagamit ng pangalan ng matataas na opisyal ng pamahalaan para makapanloko.
Una rito’y nakatanggap ng mga ulat ang PNP na ipinasa ng tanggapan ni Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos kaugnay ng umano’y illegal recruitment kung saan ilang residente ng Ilocos Norte ang pinangakuan ng trabaho sa New Zealand.
Batay sa imbestigasyon, ipinangalandakan ng suspek na mayroon umano siyang personal na koneksyon kay Pangulong Marcos na umano’y makatutulong para mapadali ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa.
Hindi bababa sa 86 na biktima ang iniulat na nawalan ng kabuuang ₱25.8 milyon dahil sa modus.
Sinabi pa ng PNP Chief, tinitingnan na ngayon ang buong lawak ng operasyon at matukoy ang iba pang aktibidad na maaaring may kaugnayan sa mga network ng illegal recruitment.
Pinaalalahanan nito ang mga Pilipino na maging maingat sa mga alok na trabaho na humihingi ng kapalit at binalaan naman ang mga nagsasamantala sa mga inosenteng kababayan.
Hinimok din ng PNP ang mga biktima at mga indibidwal na may impormasyon tungkol sa mga modus ng illegal recruitment na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad at magsampa ng pormal na reklamo.