Nilinaw ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na patuloy pa rin ang negosasyon at wala pang pinal na kasunduan kaugnay ng planong pag-aangkat ng Pilipinas ng energy products mula sa Estados Unidos.
Ang paglilinaw ng kalihim ay kasunod ng naging pahayag ni U.S. President Donald Trump na pumayag na umano ang Pilipinas na kumuha ng 100% ng pangangailangan nito sa enerhiya at mga produktong agrikultural mula sa Amerika.
Ayon kay Garin, bukas ang pamahalaan at seryosong pag-aaralan ang pagbili ng suplay ng enerhiya mula sa Estados Unidos kung magreresulta ito sa mas mababang presyo ng kuryente at petrolyo sa bansa.
Binigyang-diin ng kalihim na mahigpit ang direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ang bawat kasunduang papasukan ng gobyerno ay maghahatid ng direktang benepisyo at makapagpapagaan sa pamumuhay ng mga Pilipino.
“Rest assured, as instructed by the President, [we] always make sure that any agreement that we enter into will give benefits or improve the lives of the Filipino people,” pahayag ni Garin.
Sa kasalukuyan, patuloy na sinusuri ng kagawaran ang iba’t ibang opsyon at merkado upang matiyak ang matatag, abot-kaya, at pangmatagalang suplay ng enerhiya para sa buong bansa.