Tiniyak ni House Lead Prosecutor Representative Gerville Luistro na tatapusin ng prosecution panel hanggang dulo ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya at ang kaso sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng mga tanong kung itutuloy pa ng House prosecution ang presentasyon sa Article 3 o bribery at graft sa paglilitis.
Ayon kay Luistro, pormal na ilalatag ng panel sa Senate Impeachment Court ang kanilang posisyon kaugnay sa mga susunod na hakbang.
Sinabi niyang nananatiling nakatuon ang prosecution sa ebidensya upang maiharap ang isang malinaw at suportadong kaso.
Iginiit din niyang hindi nila layuning patagalin ang impeachment trial.
Nauna na aniyang nailatag ang usapin ng Confidential Funds at Grave Threats habang nagpapatuloy naman ang presentasyon sa Unexplained Wealth.
Binigyang-diin ni Luistro na pananagutan ng prosecution na iharap ang ebidensya dahil karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan.