Binigyang-diin ng pamahalaang lokal ng Itbayat, Batanes ang kahalagahan ng katutubong kultura at tradisyon ng mga Ivatan bilang isa sa mga pinakamabisang sandata at best practices sa paghahanda sa mga sakuna.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Manila sa programang “Alerto Siete Tres Ocho,” ibinahagi ni Itbayat Local Disaster Risk Reduction and Management Officer (LDRRMO) II Kathleen Garcia kung paano isinasama ng kanilang komunidad ang mga indigenous practices sa modernong pagharap sa mga kalamidad.
Ayon kay Garcia, buhay na buhay sa Itbayat ang kulturang “Kapachihbeng” o maaari ring tawaging “adopt a neighbor.” Sa ilalim ng kaisipang ito, awtomatikong kinukupkop at tinutulungan ng mga residente ang kanilang mga kapitbahay na may mas mahihinang istruktura ng bahay o nangangailangan ng mas ligtas na masisilungan bago pa man tumama ang masamang panahon.
Bukod sa bayanihan, isinasama rin ang kulturang Ivatan sa kanilang stockpiling o pag-iimbak ng pagkain upang hindi magkulang sa suplay dahil sa bagyo. Tampok dito ang paraan ng “Kapanguray” o ang tradisyunal na pagpapausok ng karne at isda upang tumagal ito nang ilang buwan nang hindi nasisira.
Kabilang sa mga produktong madalas ihanda bilang pagkain sa sakuna ay ang “Nikuray” (mga pinausukang karne na maihahalintulad sa tapa), pinausukan o pinatuyong isda, at ang sikat na tradisyunal na ulam na “Luñis”.
Sa pagtatapos ng panayam, sinamantala ni Garcia ang pagkakataon upang magpaabot ng panawagan para sa pagsasabatas ng Magna Carta para sa mga DRRM workers sa bansa.
Ayon kay Garcia, bagaman buong “puso” ang ibinibigay ng mga DRRM workers para sa kaligtasan ng kanilang mga kababayan, malaking tulong ang karagdagang proteksyon at benepisyo mula sa batas upang mas mapangalagaan din ang kapakanan ng frontliners sa panahon ng sakuna.
📷 Itbayat DRRMO c/o Kathleen Garcia