Photo courtesy of OPA Bohol - Provincial Government of Bohol
Tinututukan na ng Department of Agriculture o DA ang pagkakasa ng cloud seeding operations sa mga lugar na nakararamdam na ngayon ng drought condition at dry spell dahil sa “very strong” El Nino.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, kasado na ang kanilang mga paghahanda sa cloud seeding operations kung saan una munang matukoy ang lokasyon ng mga seedable clouds sa mga lugar na dumaranas na ng epekto ng El Nino.
Oras na matukoy na ito ay direkta na silang makikipag-ugnayan sa Philippine Air Force para sa pagsasagawa ng actual cloud seeding operations.
Ani De Mesa, malaking tulong ang cloud seeding upang maibsan na mas lumala pa ang epekto ng El Niño sa mga lupang sakahan sa bansa.
Bukod sa mga lugar na apektado ng drought condition at dry spell kasama rin sa mga target areas ng cloud seeding operations ang mga watersheds at dam upang madagdagan ang lebel ng tubig na ginagamit naman sa household consumption at sa irigasyon.