Tiniyak ng Department of Agriculture o DA na sapat at hindi magkukulang ang suplay ng pagkain partikular ang bigas at iba pang agricultural commodities sa harap ng banta ng “very strong” El Nino.
Sa panayam ng PTV, sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa na patuloy ang ginagawang pagbili ngayon ng National Food Authority ng palay sa mga local rice producers.
Hindi rin ipinagbawal ang rice importation kaya naman makatitiyak na ang national buffer stock ng bansa ay mananatiling sapat kahit pa umiral na ang matinding El Nino.
Malaking tulong din ang iaambag ng mga cold storage facility ng bansa dahil mas makapag-iimbak ng mga produktong karne at gulay sakaling maapektuhan ang produksiyon nito.
Ipinagpasalamat din ng DA ang inaprubahang dagdag na pondo sa DA upang mas matutukan ang El Nino response nito at pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa agri sector.