Kinuwestiyon nina Senator-Judges Pia at Alan Peter Cayetano ang patuloy na presentasyon ng prosecution ng mga dokumento ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senator-judge Pia, may ilang dokumentong inihaharap na maaaring magbigay ng ibang impresyon kung hindi agad naipapaliwanag ng testigo ang konteksto ng impormasyon.
Aniya, maaaring magdulot ito ng kalituhan sa publiko dahil maaaring mapagkamalan na pawang facts ang nakasaad sa dokumento kahit kailangan pa itong linawin o ipaliwanag.
Samantala, sinabi naman ni Senator-judge Alan na kailangang suriin kung ang ilang impormasyon sa AMLC reports ay nagmula lang sa mga balita at pahayag na kalaunan ay naulit sa iba’t ibang government proceedings.
Ipinunto niya ang isang bahagi ng report na nag-uugnay kay Vice President Duterte at sa kanyang mga kapatid sa financial transactions na may kaugnayan sa drug trafficking, batay umano sa mga naging pahayag sa House Quad Committee hearing.
Giit niya, dapat malinaw kung ang naturang impormasyon ay dumaan sa karagdagang verification at naging actionable intelligence, sa halip na manatili lamang sa mga ulat ng media o mga pahayag ng ibang tao.
Binigyang-diin ni Cayetano na layunin ng impeachment trial na linawin kung may sapat na ebidensya upang mapatunayan o mapasinungalingan ang mga alegasyon laban sa Vice President.
Kinuwestiyon din niya kung hindi ba maaaring maging precedent ang ganitong proseso para siyasatin ang financial transactions ng sinumang opisyal batay lamang sa mga pahayag o impormasyon na lumalabas sa media.
Aniya, mahalagang isaalang-alang ang probisyon sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) laban sa paggamit ng batas para sa political persecution.
Nilinaw ni Senator-judge Alan na hindi niya kinukuwestiyon ang prosecution sa pagsusumite ng dokumento dahil trabaho nitong iharap ang mga ebidensya, pero kinukuwestiyon niya ang kalidad ng naturang AMLC report.
Tinawag niyang mapanganib na precedent ang paggamit ng mga dokumentong, ayon sa kanya, ay maaaring magmukhang opisyal na validation ng impormasyon na una nang lumabas lamang sa media o mga pagdinig.
Binigyan ni naman Senator-Judge Kiko Pangilinan ng “benefit of the doubt” ang mga bangko sa paghahain ng suspicious transaction reports sa AMLC.
Ayon kay Pangilinan, ang mga bangko mismo ang nagsumite ng mga report at sila ang may access sa aktwal na halaga ng mga account na kanilang minarkahang kahina-hinala.
Aniya, dapat kilalanin ang mga bangko bilang responsable at propesyonal na institusyon na maingat sa kanilang mga transaksyon at pagprotekta sa kanilang mga kliyente.