Ipinaliwanag ng isang ekonomista na ang pangunahing dahilan nang pagtaas ng inflation rate sa bansa na umabot sa 7.2% ay ang hindi makontrol na oil price hike dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Reyes Tacandong & Co. Senior Advisor & Economist Jonathan Ravelas, sinabi nito na posible pang mas tumaas ang inflation sa bansa sa mga susunod na buwan dulot ng kakulangan ng supply ng langis na makaaaapekto sa produksyon at delivery ng mga pangunahing produkto na pangangailangan ng mga mamamayan.
Aniya, talagang kinakailangan nang matinding pagtitipid at maging wais sa paggastos upang maging sapat ang budget ng bawat tahanan.
Ayon pa sa ekonomista, maganda rin na magkaroon ng extra income bukod sa inaasang suweldo ng mga manggagawa upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Samantala, sinabi rin ni Ravelas na posible ring magtaas ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas dahil sa kasalukuyang pagtaas ng inflation rate sa bansa.