Itinutulak ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng Minimum Access Volum o MAV Plus para sa yellow corn bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa suplay ng mais, gayundin upang makatulong na mapababa ang production cost ng hog at poultry industry na gumagamit ng mais bilang pangunahing sangkap sa feeds.
Sa pulong ng House Committee on Agriculture and Food sinuri ang panukalang dagdagan ng 280,000 metric tons ang MAV ng imported yellow corn, na magtataas sa kabuuang quota sa 500,000 metric tons para sa 2026 mula sa kasalukuyang 220,000.
“In terms po ng poultry and hog production, about 50% to 60% po nang cost ang gagaling sa animal feed. About 50% to 65% po nang feed cost naman e gagaling sa corn. So ‘yun po yung importance nung corn when it comes to ating, sa hog and ating poultry sector.” saad ni DA policy division assistant chief Kristine Mares.
Giit ng DA na mas pabor sila sa MAV Plus kaysa sa pangkalahatang pagbaba ng taripa dahil limitado at targeted ang volume ng mais na papasok, at maaari itong ipatupad sa panahong kinakailangan upang hindi makasabay sa peak harvest ng mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Agriculture and Food Committee Chair Mark Enverga, kailangang balansehin ang pangangailangan ng livestock sector sa mas murang feeds at ang pangangalaga sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ng mais.
“Sa isang banda, hinaharap ng ating sektor ang mataas na pressure ng mga inputs at kakulangan sa supplying ng feeds; sa kabilang banda naman, dapat natin tiyakin na ang hakbang na ito ay hindi makapinsala sa kabuhayan ng ating mga lokal na magsasaka ng mais,” ani Enverga.
Batay sa presentasyon ng DA, tinatayang nasa ₱500 milyon lamang ang revenue foregone sa MAV Plus, habang maaaring umabot sa ₱2.11 bilyon ang revenue foregone kung pangkalahatang tariff reduction ang ipatutupad.