Malaking tulong para sa mga deserving na estudyante ang ratipikasyon ng Presidential Merit Scholarship Programs upang makapagtapos ng kolehiyo at makapagpatuloy sa mga kursong kailangan ng bansa, ayon kay House Speaker Faustino Dy III.
Ayon kay Dy, maraming kabataan ang may talino, sipag at malinaw na pangarap ngunit hindi nakakayang tustusan ng kanilang pamilya ang lahat ng gastusin sa pag-aaral.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang Presidential Merit College Scholarship Program sa ilalim ng Commission on Higher Education at Presidential Merit Technical Scholarship Program sa ilalim ng TESDA.
Hindi lamang tuition at school fees ang maaaring sagutin ng scholarship dahil maaari ring saklawin ang living expenses, pamasahe, tirahan, libro, connectivity, laboratory costs at iba pang kinakailangang gastusin.
Kabilang sa prayoridad na larangan ang science, engineering, information technology, artificial intelligence, agriculture, fisheries, health at specialized teacher education.
Layunin din ng programa na matugunan ang kakulangan ng mga manggagawa sa mga kritikal na industriya habang binibigyan ng pagkakataon ang mga mahuhusay na estudyante mula sa low- to middle-income families na makapag-aral.
Sinabi ni Dy na mahalagang tumugon ang scholarship sa tunay na gastusin ng mga estudyante upang hindi lamang sila makapasok sa kolehiyo kundi makapagpatuloy hanggang makapagtapos at magamit ang kanilang kaalaman para sa pamilya at sa bayan.