Umabot na sa 428,687 indibidwal o 115,246 na pamilya ang apektado ng very strong El Niño sa limang rehiyon sa bansa.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang dito ang Region 2, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at CARAGA.
Pinakamatinding tinamaan ang CARAGA na may 291,381 apektadong indibidwal. Sinundan ito ng Bicol Region na may 49,216 at Region 2 na may 47,587.
Apat na lungsod o munisipalidad din sa CARAGA ang patuloy na nakararanas ng pagkaantala sa supply ng tubig.
Sa sektor ng agrikultura naman, mahigit 201,000 magsasaka at mangingisda na ang apektado ang kabuhayan, habang umabot naman sa mahigit P5.5 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa produksyon dahil sa tagtuyot.
Samantala, nakapagpaabot na ang pamahalaan ng mahigit P45 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya. Kabilang dito ang tulong pinansyal, food packs at agricultural support.