Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 11566 o ang panukalang Safe and Friendly Environment for Kids in Digital Spaces Act, na naglalayong palakasin ang proteksiyon sa mga bata laban sa mga panganib sa social media at online gaming platforms.
Layunin ng panukala na magtakda ng safety standard at regulatory measures para gawing mas ligtas at angkop sa mga bata ang digital environment, kabilang ang proteksiyon laban sa harmful content, cyberbullying, grooming, sexual exploitation, targeted advertising, behavioral profiling at hindi ligtas na pakikipag-ugnayan sa mga hindi kakilala.
Sa sponsorship speech ni Nanay Party-list Representative Florabel Yatco, chair ng House Committee on Welfare of Children, binigyang-diin niya na hindi dapat iasa lamang sa mga magulang at bata ang responsibilidad sa online safety dahil may pananagutan din ang mga platform na nagdidisenyo at nagpapatakbo ng kanilang mga serbisyo.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring magkaroon ng social media account ang mga batang wala pang 13 taong gulang, habang ang mga edad 13 hanggang wala pang 18 ay maaaring gumamit ng platforms ngunit sasailalim sa mga karagdagang safeguard at parental consent.
Sa hiwalay na sponsorship speech ni House Committee on Basic Education and Culture Chair Roman Romulo, sinabi niyang kailangang tiyakin na ang digital environment ay nagbibigay ng sapat na proteksiyon sa mga bata habang kinikilala ang kanilang karapatan na makinabang sa teknolohiya.
Ayon kay Romulo, hindi sapat na sabihing dapat maging maingat ang mga bata o bantayan sila ng kanilang mga magulang, dahil hindi kayang subaybayan ng mga magulang ang bawat interaction, recommendation, advertisement at feature na ipinapakita ng digital platforms.
Sakop din ng panukala ang age assurance, safety-by-design requirements, proteksiyon sa personal data at mas mahigpit na pananagutan ng mga digital platform sa mga panganib na maaaring kaharapin ng mga batang gumagamit ng kanilang serbisyo.
Kasama ang panukala sa priority measure ng LEDAC.