NCRPO
Inatasan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano ang lahat ng police district, Chief of Police, at mga station commanders sa buong Metro Manila na tiyaking malinis, maayos, ligtas, at presentable ang kanilang mga himpilan at mga nakapaligid na lugar bilang bahagi ng pangako ng organisasyon sa disiplinado at propesyonal na paglilingkod sa publiko.
Ayon kay NCRPO OIC PBGen. Abrahano na ang himpilan ng pulisya ay hindi lamang lugar para sa trabaho ng mga alagad ng batas. Isa rin itong pasilidad para sa serbisyo publiko kung saan humihingi ng tulong ang mga mamamayan, nagre-report ng mga krimen, naghahain ng mga reklamo, at lumalapit sa pulisya sa oras ng mga emergency.
Ipinaalala niya sa mga Chief of Police at station Commanders na ang pagpapanatili ng kalinisan ay isang tuloy-tuloy na responsibilidad na nangangailangan ng kanilang direktang pangangasiwa at hindi lamang isinasagawa sa pamamagitan ng paminsan-minsang paglilinis.
Binigyang-diin din ni PBGen. Abrahano ang kahalagahan ng wastong pagtatapon ng basura, sapat na sanitasyon at maayos na pag-iimbak ng mga kagamitan at suplay. Dagdag pa niya, nararapat na sumasalamin ang kondisyon ng mga pasilidad ng pulisya sa patuloy na pagsusulong ng NCRPO ng pananagutan, panloob na disiplina, at paghubog ng isang maayos na pulis—isang alagad ng batas na hindi lamang may kakayahang magpatupad ng batas kundi nagpapakita rin ng pananagutan, propesyonalismo, at paggalang sa bawat aspeto ng paglilingkod sa publiko.