Agad na kikilos si bagong talagang Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary at dating Social Security System President and CEO Robert Joseph De Claro na tugunan ang mga isyu sa kagawaran.
Pagtitiyak ni De Claro na agad niyang bubusisiin ang mga proyekto, programa, budget at procurements ng DICT upang matukoy kung saan ba dapat ituon ang mga kinakailangang reporma.
Aniya sa loob lamang ng tatlong buwan, ay target niyang maipakita ang mga paunang bunga ng mga pagbabago sa DICT.
Kasama nga sa mga tutugunan ng bagong talagang kalihim ng DICT ang social media ban proposals at ang umano’y ghost internet scheme.
Bago ang kanyang appointment, nagsilbi siyang Presidente at Chief Executive Officer ng Social Security System, kung saan isinulong niya ang pagpapahusay ng serbisyo at digitalisasyon.
Kabilang sa mga prayoridad ng DICT sa ilalim ng kanyang pamumuno ang pagpapalawak ng internet connectivity, pagpapalakas ng cybersecurity, at pagpapahusay ng digital government services.
Layunin din ng ahensya na isulong ang ligtas at responsableng paggamit ng mga online platform upang matiyak ang mas ligtas, abot-kaya at madaling ma-access na teknolohiya para sa bawat Pilipino.