Ipinatupad na nitong Miyerkules, October 14 ang bagong minimum wage rates para sa mga manggagawa at kasambahay sa Central Visayas, alinsunod sa mga wage order na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ilalim ng Wage Order Number ROVII-27, tataas ng ₱42 ang arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa Class A areas, kaya magiging ₱582 na ito. Samantala, ₱542 naman ang bagong arawang minimum wage sa Class B areas.
Kabilang sa Class A ang mga lungsod ng Carcar, Cebu, Danao, Lapu-Lapu, Mandaue, Naga at Talisay, gayundin ang mga munisipalidad ng Compostela, Consolacion, Cordova, Liloan, Minglanilla at San Fernando, o ang Expanded Metro Cebu.
Para naman sa mga domestic worker o kasambahay, magiging ₱7,500 na ang buwanang minimum na sahod, kasunod ng ₱500 na dagdag sa ilalim ng Wage Order No. ROVII-DW-06.