Umapela ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na mas paigtingin at totoong isabuhay ang pagtitipid ng tubig lalo na sa kani-kanilang tahanan bilang bahagi ng paglaban ng bansa sa epekto ng El Niño.
Sa panayam ng Mark In, Markout, inihayag ni DENR Assistant Secretary for Field Operations Mindanao at Concurrent Director for Biodiversity Management Bureau, Assistant Secretary Felix Alicer, maituturing na simboliko ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa paggamit ng balde sa wastong pag-iimbak ng tubig.
Nangangahulugan ito na kinakailangang magsimula talaga ang pagtitipid sa maliliit na unit ng komunidad tulad ng pamilya na labis na maka-aambag upang makatipid sa konsumo ng tubig.
Ani Alicer, ginagawa pa rin naman ng DENR ang kanilang mandato ngunit mas magiging epektibo ito kung buong bansa ang makikipagtulungan.
Binigyang-diin ng DENR na isang shared responsibility ang pagtitipid ng tubig kaya marapat lamang na makiisa rin ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan maging mga nasa pribadong sektor.