Tiniyak ng Malacañang na tatagal ng maraming araw ang food supply ng bansa sa harap ng inaasahang epekto ng El Niño.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kung pag-uusapan ay suplay ng bigas, sapat ang reserba ng bigas ng 75 araw.
Ang karne naman ng baboy ay tatagal hanggang 170 araw habang mayroong suplay ng karne ng manok para sa 125 araw.
Dagdag ni Castro, na maaari ring umangkat ang pamahalaan kung kinakailangan upang madagdagan ang suplay ng nasabing mga pagkain.
Bukod sa pagtiyak ng sapat na suplay ng pagkain, sinabi ni Castro na nais din ng Pangulo na matiyak ang sapat na suplay ng tubig, kuryente, at langis.
Hinimok din ng pamahalaan ang mga pamilya na magtipid sa paggamit ng tubig at kuryente upang maibsan ang epekto ng El Niño.