Binalaan ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga may-ari ng pribadong sasakyan na ginagamit sa truck-for-hire, logistics, at delivery services para sa mga online shopping platform nang walang kaukulang permit.
Kasunod ito ng imbestigasyon ng LTFRB kung saan nadiskubre ang ilegal na operasyon ng ilang pribadong truck at van na nagsisilbi sa mga online marketplace.
Dahil dito, inatasan na ni LTFRB Acting Chairperson Atty. Greg G. Pua Jr. ang Law Enforcement Unit ng ahensya na paigtingin ang anti-colorum operations sa buong bansa, katuwang ang mga law enforcement agency.
Paliwanag ni Pua, kailangang kumuha ng Certificate of Public Convenience (CPC) at sumailalim sa roadworthiness check ang mga sasakyan na may ganitong serbisyo.
Aniya, ang paglabag rito ay maaaring humantong sa pagkakakumpiska ng sasakyan at multang hanggang ₱200,000
Dagdag pa ng LTFRB, ang mga paglabag sa mga probisyon ng Public Service Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659, ay maaari ring magresulta sa pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang 12 taon, multang hanggang ₱2 milyon, o pareho, depende sa paglabag.