Binigyang-diin ng Malacañang ang kahalagahan ng katotohanan, pagiging bukas, at accountability sa gitna ng desisyon ng House prosecution panel na alisin ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Kung matatandaan, ang alegasyon ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman na lamang ang natitirang usapin sa impeachment proceedings, makaraang alisin ang mga alegasyon kaugnay ng maling paggamit ng confidential fund, bribery, at assassination plot.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, hindi makikialam ang Malacañang sa legal na estratehiyang pinili ng prosecution panel, sa pagsusulong ng kaso laban kay VP Sara.
Mananatili rin aniya sa kamalayan ng publiko ang impormasyong nailahad sa impeachment proceedings.
Bukod dito, isa lamang sa mga alegasyon ang kailangang mapatunayan upang magkaroon ng sapat na basehan upang ma-impeach ang isang opisyal ng gobyerno.
Mas alam aniya ng prosecution panel kung aling mga alegasyon ang mayroong matibay na ebidensiyang maihaharap sa paglilitis at tatayo sa korte. | ulat ni Racquel Bayan