Nagpaalala ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa bawat pamilya na pag-usapan at bumuo ng sariling emergency plan bilang paghahanda sa sakuna.
Ito ay kasunod nang naging paggunita ng International Day for Disaster Risk Reduction 2026 na may temang “Resilience Starts at Home”, na naglalayong ipalaganap ang kahandaan at tamang impormasyon sa mga pamilya.

Sa panayam ng Home Eco-Nanay kay CWC Executive Director Angelo Tapales, binigyang-diin nya na dapat prayoridad ng mga magulang ang kaligtasan ng mga anak sa panahon ng kalamidad.
“Dapat alam ng bata kung kanino magtatanong, kung kanino hihingi ng tulong. ‘Pag mayroon silang mga takot na nararamdaman, even before calamities or during evacuation, huwag nating ipagwalang-bahala. Talagang pakinggan po natin sila, if they need words of assurance like ‘Ligtas ka, andito ang Mama at Papa’, please give it to them. Kasi ‘yung hindi nararamdaman minsan ng adults ay talagang times ten ang pagtanggap ng mga bata. Let us always consider their feelings and their emotions,” ani Usec. Tapales.
Panawagan pa ng CWC sa mga lokal na pamahalaan na tumugon sa itinatakda ng Republic Act No. 10821 o Children’s Emergency Relief and Protection Act, sa pagtatalaga ng child-friendly evacuation centers na tutugon sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya at mga bata.