Napuna ni Senate Committee on Finance Chairman Senador JV Ejercito ang nasa 206 bilion pesos na realignment sa isinumite ng kamara na bersyon nila ng 2027 General Appropriations Bill (GAB).
Matapos pormal na matanggap ng senado ang house version ng GAB nitong martes, sinabi ni ejercito na napansin nila ang malaking pagkakaiba sa house version ng panukalang pambansang pondo mula sa National Expenditure Program (NEP) na mula sa ehekutibo.
Kabilang dito ang pagbawas ng pondo sa ilang mahahalagang programa ng pamahalaan.
Ayon kay Ejercito, kabilang sa mga na-flag nilang pagbawas ang:
- P130 billion para sa foreign-assisted projects,
- P9.5 billion sa Calamity Fund,
- P4.4 billion sa Health Facilities Enhancement Program, at
- P4 billion sa immunization program.
Malaki rin aniya ang ibinawas sa sektor ng transportasyon na umabot sa P40.4 billion.
Sa kabilang banda, nadagdagan naman ang ilang alokasyon, kabilang ang:
- P23.9 billion para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health (DOH), at
- P10 billion para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program.
Ayon kay Ejercito, dahil sa malawakang pagbabago sa alokasyon, limitado na ang puwang ng Senado para sa mga kinakailangang institutional amendments sa panukalang budget.
Nilinaw ng senate finance chief na normal sa proseso ng pagba-budget ang mga pagbabago pero kailangang malinaw ang dahilan at layunin ng bawat realignment at kung paano nito matutugunan ang pangangailangan ng publiko. | ulat ni Nimfa Asuncion