Naghain si Senador Robin Padilla ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) at ang kakulangan sa imprastraktura ng mga kalsada sa bansa.
Sa Senate Resolution 732, hiniling ni Padilla sa kaukulang kumite ng Senado na magsagawa ng senate inquiry para matiyak ang pagiging patas ng NCAP, ang pagsunod sa due process, transparency at kaligtasan sa kalsada.
Kabilang sa mga isyung nais busisiin ang napapaulat na sobra at hindi proportional na multa, pagkaantala sa pagpapadala ng violation notices at pagpapataw ng pananagutan sa rehistradong may-ari ng sasakyan kahit ibang tao ang nagmamaneho.
Gusto din ng senador na matukoy kung sapat ang mga karatula, lane markings, traffic signals at iba pang imprastraktura para masigurong kayang sumunod ng mga motorista sa mga traffic rules.
Layon ring imbestigahan ang mga pekeng text message na nagpapanggap na abiso ng NCAP, na maaaring gamitin sa panloloko at maling paggamit ng personal na impormasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion