Target ng Senate Finance Committee na matapos na sa October 22 ang mga committee hearings para sa panukalang P7.2-trillion 2027 national budget.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Senador JV Ejercito, nakalaan ang dalawang linggo para sa budget hearings habang nakahinto ang impeachment trial at bago magbalik ang regular session ng Senado sa November 9.
Sa iskedyul na inilatag ni Ejercito, itinakda ang pagsusumite ng report ng mga subcommittee on finance sa October 23.
Magkakaroon naman ng pagdinig kasama ang mga civil society groups para kunin ang kanilang komento sa panukalang budget sa October 26.
Sinabi ni senator JV na yarget niyang mai-sponsor o maipresenta sa plenaryo ng senado ang budget bill sa November 11 at masimulan ang plenary deliberations sa November 23.
Naurong ang pagsisimula ng plenary debates dahil sa gagawing ASEAN summit sa November 16-18 habang may una nang may naka-schedule na whole day impeachment trial sa November 19 at 20.
Inaasahan ni Ejercito na aabutin ng dalawang linggo ang plenary debates sa budget ng bawat ahensya bago ito maipasa sa ikalawang pagbasa.
Kapag naaprubahan na ng Senado at Kamara ang kani-kanilang bersiyon, pag-uusapan ng bicameral conference committee ang mga pagkakaiba sa mga probisyon bago pagtibayin ng dalawang kapulungan at isumite sa Office of the President.
Umaasa si Ejercito na mapipirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pambansang budget bago ang Christmas break na magsisimula sa December 19. | ulat ni Nimfa Asuncion