Nakikipag-tulungan na ang Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP sa ginagawang imbestigasyon ukol sa nahuling kargamento ng ilegal na droga sa bansang Laos.
Ayon sa CAAP, nakatala sa Estados Unidos ang eroplanong sangkot sa insidente. Amerikano rin o nakarehistro sa US Federal Aviation Administration ang lisensya ng dalawang pilotong nakatala sa flight plan.
Kinumpirma naman ng CAAP na pumasok sa kanila ang kahilingan para sa flight permit dito sa Pilipinas noong Setyembre 24 na inihain ng Aerosky Service Corp. para sa kumpanyang CGTAsia.
Tiniyak naman ni CAAP Director General Retired Raul Del Rosario na mananatili silang mahigpit sa pagpapatupad ng seguridad sa kalawakan ng bansa, alinsunod na rin sa bilin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Transportation Secretary Giovanni Lopez. | ulat ni Louisa Erispe