Makikipag-ugnayan ang Quezon City Police District (QCPD) sa PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) kaugnay ng banta sa Palma Hall at Malcolm Hall ng UP Diliman.
Ayon sa QCPD, makatutulong ito para matukoy ang pinagmulan at pagiging tunay ng mensahe, at para maingatan ang mga digital na ebidensya.
Nakadepende naman sa makakalap na ebidensya at sa umiiral na batas ang mga legal na aksyong gagawin.
Matatandaang bandang ala-1:50 ng hapon kanina nang makatanggap ang isang staff ng UP ng mensahe sa Instagram na nagbabantang “maghahasik ng lagim” sa Palma Hall at Malcolm Hall.
Agad itong ininspeksyon ng pulisya, pero wala namang nakitang kahina-hinalang bagay.
Natukoy na isang estudyante ang nagpadala ng mensahe. Ayon sa kaibigan nito, tungkol umano ito sa bagong biling pabango ng estudyante na balak niyang gamitin sa paaralan. Pero bineberipika pa ito ng pulisya.
Paalala ng QCPD sa publiko, huwag basta magpakalat ng impormasyong hindi pa beripikado. Kung may banta o kahina-hinalang aktibidad, i-report agad sa E911 o sa Quezon City Helpline 122. | ulat ni Diane Lear