Nagtipon sa Brussels, Belgium ang mga lider ng European Union upang talakayin ang lumalaking exports ng China, mataas na presyo ng enerhiya, at panukalang pangmatagalang badyet ng kanilang samahan.
Nais ng mga bansang Europeo na palakasin ang kanilang mga industriya laban sa pagdagsa ng mga Chinese product na iniuugnay sa pagsasara ng mga pabrika at pagkawala ng trabaho.
Kasunod ito ng kasunduan ng European Commission at Beijing na limitahan ang pagpasok ng mga hybrid na sasakyan mula China.
Layunin nitong mabawasan ang malaking agwat sa kalakalan na umabot sa 360 bilyong euro noong 2025.
Tatalakayin din ng mga lider ang mga agarang hakbang upang maibsan ang mataas na gastos sa enerhiya na nagpapabigat sa mga negosyo at mamamayan.
Kasama rin sa agenda ang panukalang badyet para sa 2028 hanggang 2034 na nangangailangan ng pagkakaisa ng lahat ng kasaping bansa bago tuluyang maaprubahan.