Tuluyan nang dinimiss sa serbisyo si Police Colonel Almar Jerome P. Dela Cruz matapos mapatunayang responsable sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer dahil sa pananakit sa kanyang live-in partner.
Ayon sa NAPOLCOM, kabilang sa naging batayan ng kanilang imbestigasyon ang CCTV footage, mga pahayag ni Dela Cruz na kumikilala sa naganap na pisikal na komprontasyon, at ang pag-amin niyang mali ang kanyang ginawa.
Matatandaang nag-viral ang insidenteng naganap noong Marso kung saan paulit-ulit na sinuntok at hinampas ni Dela Cruz ang kanyang partner hanggang mawalan ito ng malay.
Bagama’t naghain kalaunan ng affidavit of desistance ang nagreklamo, iginiit ng NAPOLCOM na maaaring magpatuloy ang kasong administratibo kung may sapat na ebidensya ng pagkakasala.
Bukod sa pagkakasibak, kanselado rin ang police eligibility ni Dela Cruz, mawawala ang kanyang retirement benefits maliban sa naipong leave credits, at habambuhay siyang hindi maaaring muling magtrabaho sa anumang tanggapan ng gobyerno o government-owned and controlled corporation.
Giit ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan, hindi lisensya ang pagsusuot ng uniporme para manakit o mang-abuso.