Isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtatanim ng kawayan, na pumipigil sa pagguho ng lupa, at mga imbakan ng tubig para matulungan ang mga magsasaka sa kabundukan na makayanan ang epekto ng El Niño.
Ayon kay Environment Secretary Juan Miguel “Mitch” Cuna, mahalaga ang mga solusyong nakabatay sa kalikasan para maprotektahan ang produksyon ng agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka sa gitna ng matagal na tagtuyot.
Kabilang sa mga proyekto ng DENR ang Capas Bamboo Ecopark sa Tarlac, at mga Small Water Impounding System (SWIS) sa Catanduanes at SOCCSKSARGEN.
Sa Zambales naman, gumagamit ang PENRO ng contour farming, stone bunds, at mulching sa mga lugar na saklaw ng National Greening Program upang maprotektahan ang ibabaw na bahagi ng lupa laban sa pagkatuyo at pagguho.
Sa Ilocos Region, nakikipag-ugnayan ang DENR sa National Irrigation Administration (NIA) at mga samahan ng irrigators para makontrol ang pagkuha ng tubig mula sa mga ilog at maprotektahan ang mga pinagkukunan ng tubig.
Plano rin ng DENR na palawakin ang mga agroforestry demonstration site sa mga pangunahing river basin, gamit ang mga katutubong punong kayang mabuhay sa tagtuyot at mga tanim na kawayan.
