Aabot sa 300 tauhan ng binuwag na Task Force Disiplina sa Quezon City ang pinulong ng QC Department of Public Order and Safety (DPOS) para sa planong paglilipat sa kanila sa ibang departamento.
Ayon kay retired Brigadier General Elmo San Diego, pinuno ng DPOS, walang dapat ipag-alala ang mga ito dahil sila ay aampunin at walang mawawalan ng trabaho.
Aniya, sasalain ang lahat ng mga ito at ikakalat sa iba’t ibang departamento, kabilang ang Force multipliers ng Pulisya, Traffic sector, Bike lanes, mga palengke, at iba pa
Pero kailangan muna nilang magsumite ng updated na NBI at Police clearance, at makapasa sa neuro examination, training, at orientation.
Matatandaang isang miyembro ng Task Force Disiplina ang inaresto kamakailan matapos pagbabarilin at mapatay ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang menor de edad.