Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis N. Tolentino ang pagkilala sa mga natatanging Public Employment Service Offices (PESOs) at Job Placement Offices (JPOs) sa bansa noong Oktubre 14, 2026, sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ang paggagawad ng parangal ay ginanap sa kasagsagan ng 26th National PESO Congress, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga lokal na tanggapan ng paggawa sa paghahatid ng mga oportunidad sa trabaho, career guidance, at iba pang serbisyo-empleyo sa mga komunidad.
Mga Nagwagi sa Hall of Fame
Itinampok sa seremonya ang limang PESO na pinarangalan bilang Hall of Famers matapos magwaging pinakamahusay sa pambansang pagpili nang tatlong sunod-sunod na taon:
- PESO Province of Antique (2nd Class Province category)
- PESO City of Biñan, Laguna (Component and Independent Component City category)
- PESO Talavera, Nueva Ecija (1st Class Municipality category)
- PESO Jimenez, Misamis Occidental (2nd–3rd Class Municipality category)
- PESO Laguindingan, Misamis Oriental (4th–6th Class Municipality category)
“Sa limang PESOs na nanalo sa pambansang pagpili sa loob ng tatlong sunod-sunod na taon, binabati ko kayo. Ang inyong tagumpay ay sumasalamin sa inyong dedikasyon na pagtagpuin ang mga naghahanap ng trabaho at ang mga employer, at sa pagpapalapit ng serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.
Sukatan ng Tagumpay
Binigyang-diin naman ni DOLE Secretary Francis N. Tolentino na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng bawat PESO ay ang dami ng buhay na napabuti at mga pamilyang natulungan.
“Ang inyong tagumpay ay hindi lamang sukatan ng inyong mga nagawa. Ang tunay na sukatan ay kung ilang Pilipino ang ating natulungan, ilang pamilya ang ating napagaan ang pasanin, at ilang pangarap ang ating nabigyan ng pagkakataong matupad,” ani Tolentino.
Nanindigan din ang Kalihim sa patuloy na pagpapalakas ng DOLE sa network ng PESO sa pamamagitan ng capacity development, digitalization, at mas pinalakas na pakikipagtulungan upang mapalawak ang access sa mga trabaho. Hinimok din niya ang mga PESO manager na pag-aralan ang mga hakbang para sa pitong TUPAD flagship innovations at maghanda sa posibleng epekto ng El Niño sa mga manggagawa at komunidad.
Malaking Ambag sa Empleyo
Sa tulong ng mga PESO, nakapagsagawa ang DOLE ng 1,554 na job fairs sa buong bansa mula Enero hanggang Agosto 2026, kung saan umabot sa 65,534 na aplikante ang agarang na-hire. Naitala rin ang tinatayang 1.197 milyong kuwalipikadong aplikante na naireper sa mga employer para sa posibleng pagpapasok sa trabaho.
Samantala, umabot naman sa 133,094 na kabataang Pilipino ang nabigyan ng tulong sa unang kalahati ng taon sa pamamagitan ng mga programa para sa kabataan tulad ng Special Program for Employment of Students (SPES), Government Internship Program (GIP), at JobStart Philippines.