Pumalo sa ₱204 bilyon ang naitalang kita ng Social Security System (SSS) mula sa dividends ng equity investments nito sa loob ng 57 taon, mula pa noong 1968.
Ayon sa SSS, repleksyon ito na patuloy na napoprotektahan ang kontribusyon ng mga miyembro.
Naglabas ng pahayag ang SSS kasunod ng mga ulat tungkol sa tinatawag na “paper losses” o hindi pa aktwal na pagkalugi sa ilang stocks na pag-aari ng pension fund.
Paliwanag ng SSS, ang paper loss ay pansamantalang pagbaba ng market value ng isang investment na hindi pa naibebenta at hindi pa ito nangangahulugan ng aktwal na pagkalugi.
Ayon sa SSS, kabilang sa mga pangunahing investment nito ang PLDT Inc., Universal Robina Corporation (URC), at Security Bank, na may matatag na kita at maayos na pundasyon ng negosyo.
Dagdag pa ng SSS, tinatayang ₱9 bilyon ang taunang dividend income nito mula sa equity investments.
Samantala, umabot sa ₱173.45 bilyon ang kabuuang benefit payouts ng SSS mula Enero hanggang Hunyo 2026, mas mataas ng 19% kumpara sa ₱145.73 bilyon sa kaparehong panahon noong 2025.
Tiniyak ng SSS na nananatiling matatag ang pension fund at may kakayahang tugunan ang mga benepisyo ng mga miyembro, pensioner, at kanilang pamilya sa hinaharap.