Malaki ang inaasahang maitutulong ng panukalang ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) upang mas mapabilis at mapagaan ang pagnenegosyo o ease of doing business sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Ito ang binigyang-diin ni Jay Yuvallos, chairperson ng East Asia Business Advisory Council para sa taong 2026, sa isa sa mga panel discussion sa ikalawang araw ng ginanap na 52nd Philippine Business Conference and Expo sa Manila Hotel. Ang makasaysayang kasunduang ito ay nakatakdang lagdaan sa darating na Nobyembre kasabay ng 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa Maynila.
Ayon kay Yuvallos, nahahati sa tatlong pangunahing daloy o flows ang kalakalan: ang daloy ng mga produkto at serbisyo, daloy ng mga datos at impormasyon, at ang daloy ng pananalapi o financial flow. Ipinaliwanag niya na ang digitalisasyon at pagpapatag ng daloy ng pananalapi sa ilalim ng DEFA ay magsisilbing “malaking pagkakataon” para sa buong rehiyon.
“Kapag ito ay na-digitize na at na-harmonize, mapapabilis nito ang mga proseso at masasagot ang pangangailangan para sa ease of doing business,” pahayag ni Yuvallos. “Tingnan natin ito bilang ease of doing business sa buong ASEAN at paraan upang mapababa ang gastos sa pagnenegosyo.”
Unique Business Identification Number (UBIN)
Ipinaliwanag din ni Yuvallos na sa ilalim ng isinusulong na DEFA, magkakaroon ang mga kumpanya ng tinatawag na Unique Business Identification Number (UBIN). Ang numerong ito ay kikilalanin sa 11 miyembrong bansa ng ASEAN upang mas madaling maproseso ang mga dokumento at datos, gayundin ang pagbawas sa mga sagabal o barriers sa kalakalang tawid-hangganan o cross-border trading.
Bagamat may kanya-kanyang natatanging batas at regulasyon ang bawat bansa sa pambansang antas, kikilalanin pa rin ang mga dokumento alinsunod sa bagong balangkas ng rehiyon.
Ang DEFA ang tinatarget na maging kauna-unahang komprehensibong kasunduan sa digital na ekonomiya sa loob ng ASEAN. Ang mga negosasyon para rito ay pormal na natapos sa ikalawang pulong ng 57th ASEAN Senior Economic Officials Meeting (SEOM) na ginanap din sa Maynila noong Mayo 27 hanggang 29, 2026.
Ang digital na ekonomiya ng ASEAN ay projected na aabot sa USD1 trilyon pagdating ng 2030, ngunit sa tulong ng buong pagpapatupad ng DEFA, inaasahang lalagpas pa ito at aabot sa USD2 trilyon.