Kumikilos na ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at mga kinauukulang yunit ng pulisya kaugnay ng posibleng koneksyon ng mga lokal na pulitiko sa naharang na shabu shipment sa Laos kamakailan.
Ito’y makaraang mabunyag na isang pulitiko umano mula sa katimugang bahagi ng bansa ang nagpondo sa chartered flight na ginamit sa pagdadala ng ilegal na droga na nasabat sa Laos.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., puspusan ang ginagawang pangangalap ng ebidensiya at case build-up laban sa mga nasa likod nito upang matiyak na “airtight” ang isasampang kaso.
Magugunitang aabot sa mahigit 500 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱3.5 bilyon at ipupuslit sana sa Pilipinas ang naharang ng Lao authorities noong October 1 sa Luang Prabang International Airport.
Sinabi pa ng PNP chief na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para sa palitan ng impormasyon at maberipika ang mga detalye hinggil sa mga matutukoy na salarin.
